schoolscolleges2020 hed news


MULA SA XAVIER. Ang piling mga partisipante mula sa Pamantasang ng Xavier, sina Hobart Savior (nasa kaliwa), direktor ng Xavier Sentro para sa Kultura at mga Sining, at sina Erna A Salas (sentro) at Roderick Ocangas (nasa kanan) na kapwa taga-Kagawaran ng Filipino. Ambag na larawan.   

Nagpasimuno ang Philippine PEN (Poets, Playwrights, Essayists, Novelists) ng serye ng mga worksyap sa pagtuturo ng panitikan sa buong bansa simula pa noong 2011.

Kaugnay nito, ang proyekto na For Love of the Word:  Workshops on Teaching Philippine Literature in High School and College mula sa Philippine PEN Civil Society Program 2015-2017 ay kusang inilapit sa mga guro. 

Tunguhin ng samahang ito na paangatin ang kahusayan at kasanayan ng mga guro sa sekundarya at tersyarya sa pagtuturo ng pagsulat ng mga tula, dula, at iba pang uri ng panitikan.  

Ang proyekto ay suportado ng PEN International, Clifford Chance Foundation, at Swedish International Development Cooperation Agency (SIDA).  

Bunsod nito, naging matagumpay ang padaraos ng worksyap sa sumusunod na mga lugar: Manila, Iloilo, Cebu, Baguio, Naga, Bohol, Calbayog, Cagayan de Oro, at Davao.

Kamakailan lang, ang Pamantasan ng Xavier ay nagpadala ng mga delegado upang tugunan ang imbitasyon ng Philippine PEN.  

Dinaluhan ang worksyap ng mga delegadong guro sa sekundarya at tersyarya mula sa mga pribado at pampublikong paaralan.  

Ito ay idinaos na libre ng Philippine PEN sa pakikipagtulungan ng Mindanao State University - Iligan Institute of Technology (MSU-IIT) sa loob ng dalawang araw. 

Kabilang sa mga dumalo ay sina Roderick Z Ocangas at Erna Salas, kapwa taga-Kagawaran ng Filipino sa Pamantasan ng Xavier.


WORKSYAP SA PAGTUTURO NG PANITIKAN. Ang mga kalahok sa nasabing worksyap kapiling ang mga tagapagsalita. Kuha ni Propesor Shirley Lua.

Tinapos ang palatuntunan sa pamamagitan ng worksyap at lektyur ni Ricardo M de Ungria ng Universidad ng Pilipinas - Mindanao, isang batikang makata.  

Ang laman ng kanyang worksyap ay ang pagpapasulat ng tula sa mga kahalok na nakabatay sa dalawang kategorya.

Ang unang tula ay kinapalooban ng kahit anong paksa na may limang taludtod lamang at kailangan matapos sa loob ng limang minuto.  Ang ikalawa naman ay kailangang may paksang nauukol sa nararamdaman ng mismong manunulat ng tula habang ginagawa ang pagsusulat na kinapalooban ng limang taludtod na may tig-wawalong pantig at tatapusin sa loob ng sampung minuto.   

Mula sa maraming pagpipiliang mga tula, pumili ng tig-aapat sa bawat kategorya ang tagapagsalita batay sa istandard na kanyang itinakda at ito ay kanyang binasa sa harap ng madla.  

Napiling basahin ang tulang pinamagatang “Buhay-guro” ni Erna A Salas ng Kagawaran ng Filipino sa Pamantasan ng Xavier sa unang kategorya at sa ikalawang kategorya ng tula nitong walang pamagat na naglalaman ukol sa kahirapang nadarama niya habang ginagawa ang tula. 

Ito ang kopya ng mga tula:

Unang Kategorya

"Buhay-guro" ni Erna A Salas

Tuwing umaga Ika’y natataranta  
Upang makapaghanda
Patungong eskwela
Pagdating sa paaralan walang sapin ang isang paa.

Ikalawang Kategorya

"[Walang Pamagat]" ni Erna Salas

Ako ngayo’y litong-lito.
Tulang pilit na mabuo.
Nahihirapan pa’no ‘to?
Isip ko ay gulong-gulo.
Aywan ko kung tama ba ‘to?

Mula dito, inisa-isa ng ispiker ang mga elementong pumapaloob kung bakit itinuturing niya ang mga ito na isang tula.

Sa kabuuan, naging matagumpay ang pagdaraos ng worksyap sa Mindanao State University - Iligan Institute of Technology sa lungsod ng Iligan.

Taglay na ng bawat partisipante ang mga kaalamang magagamit nila sa kani-kanilang pagtuturo ng panitikang matatagpuan mismo sa sariling lokalidad.∎


PAGSUSULAT PARA SA KALIKASAN. Isang pagpupulong sa Writing to Sustain Our Home, Our Habitat, ang mga tagapagsalita: Dr Anthony L Tan, Dr Jude Ortega, Dr Shelfa Alojamineto, Dr Steven Patrick Fernandez, at Dr German Gervacio. Kuha ni Propesor Shirley Lua.