newssupdates2018


"SA NGALAN NG AMA" ni Roberto Jose De Guzman. Ambag na larawan.

LUNGSOD NG CAGAYAN DE ORO — Matagumpay na naisagawa ng Xavier Ateneo - Kagawaran ng Filipino, Kolehiyo ng mga Sining at Agham ang “Ganap-Atenista, Paligsahan sa Pagsasadula” noong Ika-7 ng Marso taong 2018 sa XU Little Theater.  

Layunin ng nasabing patimpalak na mabigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na makapag-analisa ng isang dula sa isang kolaboratibong proseso, bumuo ng isang intelektwal at estetikong pag-unawa sa akda at pagtatanghal nito sa malikhaing pamamaraan, at higit sa lahat mapahalagahan ang teatro bilang midyum ng sosyal na pagbabago.  

Dinaluhan ang nasabing patimpalak ng mga mag-aaral mula sa Filipino 4.1 (Ang Panitikan ng Pilipinas). Apat na pangkat ng mga kalahok ang naglalaban-laban sa paligsahan. Naiuwi ng Filipino 4.1-C ang unang gantimpala sa dulang “Sa Ngalan ng Ama” ni Roberto Jose De Guzman, ikalawang gantimpala naman ang “Habak” ni Carlos Fortich, at ikatlong gantimpala naman ang “Nang Dahil Sa Pag-ibig.”

Hinakot naman ng dulang “Sa Ngalan ng Ama” sa pangangalaga ng gurong si Gng Cristy Amor Mercadejas ang iba pang mga parangal. Pinakamuhusay na Aktres si Chanel Kassandra Falcon, Pinakamahusay na Pansuportang Aktres si Lily Jean Sepanton, Pinakamahusay na Aktor si  Ernie James Elazegui, Pinakamahusay na Pansuportang Aktor si  Earnest Joone Lagrito, at Pinakamahusay na Direktor si Ashbelle Toreno. Naiuwi din nila ang parangal sa Pinakamahusay na Disenyo ng panteatrikal na poster. Umabot sa Php3,000.00 ang kabuaang halagang naiuwi ng nasabing kalahok maliban sa mga sertipikong kanila ring natanggap.

Ang Kagawaran ng Filipino ay taos-pusong nagpapasalamat sa Kolehiyo ng mga Sining at Agham, sa Tanggapan ng Xavier Sentro para sa Kultura at mga Sining at sa Xavier Ateneo sa suportang ipinagkaloob sa pagsasakatuparan ng nasabing patimpalak.∎