newssupdates2018


PANALO. Ang mga nagwagi sa Interskul Paligsahan sa Pagtatalumpating Ekstemporeynyus na ginanap sa Xavier Ateneo. Ambag na larawan.

LUNGSOD NG CAGAYAN DE ORO, Pilipinas — Sa nagdaang ika-30 ng Agosto 2018, ginanap ang pampinid na palatuntunan ng "Wika, Arte, at Kultura 8" na may pamagat na Interskul Paligsahan sa Pagtatalumpating Ekstemporeynyus.

Inihanda ang nasabing paggawain bilang pakikiisa ng Xavier Ateneo sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang "Filipino: Wika ng Saliksik."

Pinamunuan ito ng Kagawaran ng Filipino sa pakikipagtulungan ng Kolehiyo ng mga Sining at Agham at Xavier Sentro para sa Kultura at mga Sining.  

Layunin ng nasabing patimpalak ang magbigay pagkakataon sa mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan kapwa pampubliko at pampribado sa Rehiyon X na magsama-sama, malinang ang mga makrong kasanayan sagnay ang kritikal na pag-iisip at higit sa lahat mapahalagahan ang Filipino bilang wika ng kaban ng karunungan,  pagkakaisa, at instrumento ng ekonomikong katatagan.

Ang mga kalahok ay pinadalhan ng liham-paanyaya kalakip ang pamantayan at panukutan ng paghuhusga. Bawat kalahok ay mayroong tagasanay na isa ring guro mula sa paaralang kanilang kinabibilangan.

Labing-isang senior high school na mag-aaral mula sa Lourdes College, Cagayan de Oro National High School, Macabalan National High School, Iponan National High School, Bulua National High School, Capitol University,  Xavier University - Ateneo de Cagayan, Carmen National High School, Oro Christian Grace School, Bugo National High School, at Pedro “Oloy” N Roa Sr National High School ang naghangad na makasungkit ng titulo bilang pinakamahusay na mananalumpati sa taong ito.

Mapalad na naiuwi ang medalya ng mga sumusunod:

Unang Gantimpala - Jhon Paulie Undag, Capitol University

Ikalawang Gantimpala - Ivy Bravo, Macabalan National High School

Ikatlong Gantimpala - Shaddrach John Lloyd Daba, Lourdes College

Ginawaran ang mga mag-aaral ng medalya, sertipiko ng pagkapanalo, gantimpalang salapi, at gift pack na naglalaman ng mga pampaaralang kagamitan katulad ng mga kwaderno, pluma, diksyunaryo at marami pang iba. Samantala ang mga tagasanay naman ay  pinagkalooban din ng mga sertipiko ng pagkilala. 


MGA KALAHOK AT KANILANG TAGASANAY. Inihanda ang nasabing paggawain bilang pakikiisa ng Xavier Ateneo sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang "Filipino: Wika ng Saliksik." Ambag na larawan.

Isang mainit na pasasalamat ang ipinaabot ng Kagawaran ng Filipino sa mga koordineytor ng paggawain na sina Ryan Raran at Alice Cubillan sa pamamahala ng nasabing patimpalak. Pinasasalamatan din ang mga kalahok, mga tagasanay, sa mga giliw na mga panauhin, mga magulang, mga mag-aaral ng kolehiyo at senior high school ng Xavier Ateneo. 

Umaasa ang pamunuan sa patuloy na kooperasyon ng mga nabanggit na paaralan at iba pang paaralan sa rehiyon sa pagtugon sa ganitong paggawain bilang kaisa sa adhikain ang itaguyod ang wikang Filipino at linangin ang mga kasanayan ng bawat mag-aaral.∎    


MGA PANAUHIN. Umaasa ang pamunuan sa patuloy na kooperasyon ng mga nabanggit na paaralan at iba pang paaralan sa rehiyon sa pagtugon sa ganitong paggawain bilang kaisa sa adhikain ang itaguyod ang wikang Filipino at linangin ang mga kasanayan ng bawat mag-aaral. Ambag na larawan.


Social Media