newssupdates2018

Rogelio L Gawahan, PhD
Senior High School Principal
Xavier University - Ateneo de Cagayan
Pambungad na Pananalita para sa Selebrasyon ng Kalayaan 2018 
University Gymnasium
8:30 ng umaga, Ika-11 ng Hunyo 2018

Ang kalayaan ay kapwa biyaya (blessing) at regalo (gift) sa mga Pilipino. Biyaya sapagkat may basbas ng Banal at may hatid na proteksyon laban sa mga manlulupig at mapaniil. Biyaya sa sinomang nais makaranas sa tunay na halaga’t diwa ng kapayapaan, prosperidad, at katuparan ng pangarap. Biyaya upang malayang makakamit ang ninanais nang naaayon sa tama at nararapat na pagkilos.  

Regalo sapagkat nag-ugat ito sa mga bayaning buo ang paniniwalang ang kanilang pagyao ay habambuhay na kalayaan ng taumbayan. Regalo na magbibigkis ng mga Pilipino sa pagkakaisa at determinasyong mapagtagumpayan ang anomang hamon na haharapin sa susunod pang maraming taon ng bawat henerasyon.

Ang proklamasyon na ang ika-12 ng Hunyo ay araw ng ating Kasarinlan ay isang paalala na sa bawat sa pagtaas ng ating bandila, ang Pilipinas ay titingalaing malayang republika. Proklamasyon na paulit-ulit na paggunita sa nakaraan at pagsariwa sa kagitingan ng lahing Pilipino. Paraan upang akoin nating lahat ang tungkuling gampanan, paglingkuran, at bantayan nang buong katapatan ang kalayaan ng Inang Bayan.

Sa umagang ito, sasaksihan natin ang mga natatanging bilang na inihahandog ng mga kasapi ng Xavier Ateneo Community, isang replika ng hibla ng kasaysayan.  Pagtatanghal na simboliko ng pagkakapit-bisig upang panindigan na ang komunidad ng Xavier Ateneo ay para sa kalayaan, para sa kapayapaan, para sa kaunlaran at para sa prosperidad ng bayan — Xavier Ateneo na katuwang sa pagpanday ng bayan.

Maligayang pagdiriwang sa biyaya at regalo ng 120th Philippine Independence Day  Kalayaan 2018: Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Masaganang Kinabukasan. 

Magandang umaga sa ating lahat!∎


Social Media