schoolscolleges2020 hed news


WAGI. Ang paggawad sa unang gantimpala kay Dave Ipulan (pangalawa mula sa kanan) mula sa Lourdes College. Ambag na larawan.

Ang kagawaran ng Filipino ng Kolehiyo ng mga Sining at Agham ay nagsagawa ng isang patimpalak sa Inter-skul Talumpating Ekstemporeynyus na may layunin na mapag-isa ang mga piling mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan ng Rehiyon X (Hilagang Mindanao). 

Ang nasabing patimpalak ay isinagawa para mahasa ang kahusayan ng mga kalahok sa pagsasalita sa maraming tao taglay ang tiwala sa sarili, mapatalas ang kasanayang mag-isip at magpahayag ng ideya sa  napiling paksa at higit sa lahat ang maisapuso at maisaisip ng bawat mga kalahok at manonood ang pagpapahalaga sa wikang pambansa.

Pinamagatang #KabataangPinoy Inter-skul Paligsahan sa Talumpating Ekstemporeynyus, limang paaralan ang nagpadala ng mga kinatawan ngayong taon. Kabilang sa mga paaralang ito ang: Lumbia National High School, Jasaan National High School, Macabalan National High School, Cugman National High School, at Lourdes College.  


INTER-SKUL TALUMPATING EKSTEMPOREYNYUS. Ang mga kalahok kapiling ang kanilang mga tagasanay. Ambag na larawan.

Sila ay pinadalhan ng liham paanyaya kalakip ang pamantayan at panukutan ng paghuhusga sa nasabing patimpalak. Bawat kalahok ay mayroong tagasanay. Ang tagasanay na ito ay isa ring guro mula sa paaralang kanilang kinabibilangan. 

Matapos ang patimpalak ay nasungkit ang gantimpala ng mga sumusunod:

Unang Gantimpala - Dave Ipulan - Lourdes College
Ikalawang Gantimpala - Joey G Pagara - Lumbia National High School
Ikatlong Gantimpala - Ernesto B Plaza Jr -  Macabalan National High School

Ginawaran ang mga mag-aaral ng medalya,  sertipiko ng pagkapanalo, gantimpalang pera, at mga aklat.

Ang kanila namang mga tagasanay ay pinagkalooban din ng mga sertipiko ng pagkilala.    


PAGTITIPON PARA SA BUWAN NG WIKA. Ang paligsahan sa Inter-skul Talumpating Ekstemporeynyus ay idinaos sa Little Theater ng Pamantasan ng Xavier Ateneo. Ambag na larawan.

Samantalang ang iba pang mga naging kalahok ay binagyan ng mga aklat at mga aytem mula sa Tanggapan ng Komunikasyon ng Pamantasan ng Xavier.

Ang patimpalak ay pinamumunuan ni Ginoong Paolo Galupo.   

Nagpapasalamat ang Kagawaran ng Filipino sa mga dumalong mga mag-aaral at tagasanay mula sa iba pang mga paaralan.  

Patunay lamang ito na kaisa pa rin sa damdamin para sa wikang Filipino ang lahat sa kabila ng iba’t ibang pinanggagalingang mga paaralan.  

Umaasa ang kagawaran sa patuloy na pagtugon ng mga paraalan sa mga susunod pang patimpalak na gaganapin sa pamantasan.∎


BUWAN NG WIKA. Paggawad sertipiko sa mga kalahok ngayong taon sa Inter-skul Talumpating Ekstemporeynyus sa Xavier Ateneo. Ambag na larawan.